Saturday, September 23, 2017

Lumpiang Hangin

Sa pagkabagot noong isang alas-dos nang hapon
Humiling ang isip ko ng kaunting atensyon
Kaya’t suot and kupas na damit at tsinelas
Kahit hindi ko alam kung saan, naisip kong maglakad.


Minsan hindi sa pagpaplano makahahanap ng solusyon
Hayaan na lang natin ang paa’y mahapo
O makakuha ng ideya sa pagsosolo
Makahanap ng lugar ang modernong bandido


Nakailang kanto pa lamang
Mga mata ko’y naumay agad
Sa halos dalawang dekadang paghakbang
Iisang tanawin pa rin ang madaratnan—


Ang tindahan ni Lola Baneng sa labas ng eskinita;
Sa aming lugar siya ang Panginoong May Lupa
Kahit sa katandaan naaninag pa rin ang ganda
Ngunit sabi ng ilan ay tumanda nang dalaga.

Ang kapilya kung saan ako lumaki
Makita ko agad sa aking pagtawid
Kilala ako nang lahat ng pumupunta dito
Mula bata, hatak-hatak ni nanang tuwing Linggo.

Kumaliwa sa katabing kabahayan
Naglakad kahit pudpod na ang swelas
Dito raw matatagpuan ang tindahan
Nahahanap ang masasarap na lumpia.


Sa pakiramdam ko’y hindi naman ako pagod
Ngunit tila ang dila’y nais na ring magtrabaho
“sige na nga”, utal sa sarili
Hinatak ako ng aking paa sa isang lamesang may tabing


“oh, ikaw na ba yung anak ni Ralf?”
Dalaga ka na ah! Bulalas ng isa.
Anong gusto mong bilhin? Nagugutom ka ba?
Isa pong samalamig, at isang lumpia.





Ilang taon ka na iha? Anong year mo na?
Hindi sila magkamayaw sa kanilang bisita.
Kamukha ko daw si papa, sabi nang lahat.
Lalo na’ng dalawang tindera sa aki’y tuwang-tuwa.


Masarap ang samalamig;
Matamis, maraming sago
Malamig, maraming yelo
Sa ginaw ay parang lumuluha ang lalagyang supot



Pagkagat ko sa lumpia
Ako ba’y iiling o tatawa?
Sabay sa pag nguya ibinaling ang tingin
Ang hindi ko nabasa sa karatula’y “Lumpiang Hangin”.



Para saan pa ang suka kung wala namang toge?
Bakit hindi ko nasulit ang tangan kong bente?
Naisip ko tuloy na lugi ako sa dose
Balat lamang ang aking nabili


Hindi na ako nakinig sa kanilang bali-balita
Sa likot ng isip tinitigan ko ang Lumpia
Bakit nga ba binibenta ang Lumpiang Hangin?
Nakabubusog ba ang balat kong nakain?


Kung nagsasalita lamang ang Lumpiang Hangin
Kakausapin nya ako’t manghihingi
Ngunit wala ako ng kanyang hanap na toge
Na pupunan sa kanyang pagkakakilanlang pagkain
Kung makikipag-usap ito, siya’y tatanungin ko rin:
Anong pakiramdam nang wala kang silbi?


Patuloy kang ibebenta sa ilan
Ngunit alam ng lumpia na sila’y nadadaya
Sa malutong na balat at walang lasang harina
Sa taglay na lutong may mga nabubulag


Pagkatapos ng magandang usapan
Hindi ko nasabing ako’y nadismaya
Salamat na rin sa lumpiang walang laman
Naisip kong ako’y katulad rin pala nya.


Lumakad muli at nagmasid
Bukas ang isip ngunit mga bibig ay pinid
Hindi ko nasabing wala akong napala
Sinalubong ako sa kalsada ng libu-libong ideya.


Pagdating sa bahay naupo sa isang lamesa
Kumuha ng papel, inihayag ang karanasan
Masaya, dahil muli napagbigyan ko
Natalo ang pagkabagot noong isang alas-dos nang hapon.





No comments:

Post a Comment

P A N D E M I C

            Let my start by saying an apology because I am running and going back in this blog  only  when I am distressed which explains my...